Advertisement
Not a member of Pastebin yet?
Sign Up,
it unlocks many cool features!
- Kabanata 1: Ang Gubat
- 1 Sa isang madilim, gubat na mapanglaw,
- dawag na matinik ay walang pagitan,
- halos naghihirap ang kay Pebong silang
- dumalaw sa loob na lubhang masukal.
- 2 Malalaking kahoy ang inihahandog,
- pawang dalamhati, kahapisa't lungkot;
- huni pa ng ibon ay nakalulunos
- sa lalong matimpi't nagsasayang loob.
- 3 Tanang mga baging na namimilipit
- sa sanga ng kahoy ay balot ng tinik;
- may bulo ang bunga't nagbibigay-sakit
- sa kanino pa mang sumagi't malapit.
- 4 Ang mga bulaklak ng nagtayong kahoy,
- pinakapamuting nag-ungos sa dahon;
- pawang kulay-luksa at nakikiayon
- sa nakaliliyong masangsang na amoy.
- 5 Karamiha'y Sipres at Higerang kutad
- na ang lihim niyon ay nakakasindak;
- ito'y walang bunga't daho'y malalapad
- na nakadidilim sa loob ng gubat.
- 6 Ang mga hayop pang dito'y gumagala,
- karamiha'y S'yerpe't Basilisko'y madla
- Hayena't Tigreng ganid na nagsisila
- ng buhay ng tao't daiging kapuwa.
- 7 Ito'y gubat manding sa pinto'y malapit
- ng Avernong Reyno ni Plutong masungit;
- ang nasasakupang lupa'y dinidilig
- ng Ilog Kositong kamandag ang tubig.
- Sa labas ng Reynong Albanya, may isang gubat na madilim at masukal, dahil sa malalaking punongkahoy at makapal, na dawag ng araw ay di makasikat, kaya ang kapanglawan ay laganap sa loob ng gubat, ang mga hayop na dito ay gumagala, karamiha’y sierpe, hyena, leon at tigre. Sa gitna nitong mapanglaw na gubat may isang punong higera na ang dahon ay malalapad, dito nakagapos ang isang binata na pinag-uusig ng masamang palad. Sa kabila ng kanyang kalungkutan mababakas pa rin ang kanyang kagandahan kaya masasabing isa siyang tunay na Adonis.
- Kabanata 2: Ang Binatang Nakagapos
- 8 Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
- may punong Higerang daho'y kulay pupas;
- dito nakagapos ang kahabag-habag,
- isang pinag-usig ng masamang palad.
- 9 Bagun-taong basal na ang anyo't tindig,
- kahit natatali kamay, paa't liig,
- kundi si Narsiso'y tunay na Adonis,
- mukha'y sumisilang sa gitna ng sakit.
- 10 Makinis ang balat at anaki burok,
- pilikmata't kilay mistulang balantok;
- bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
- sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.
- 11 Dangan doo'y walang Oreadang Ninfas,
- gubat na palasyo ng masidhing Harp'yas,
- nangaawa disi't naakay lumiyag
- sa himalang tipon ng karikta't hirap.
- 12 Ang abang uyamin ng dalita't sakit —
- ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
- sa luhang nanatak at tinangis-tangis,
- ganito'y damdamin ng may awang dibdib.
- 13 Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
- ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
- bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
- sa Reynong Albanya'y iniwawagayway.
- 14 Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
- kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
- kagalinga't bait ay nalulugami,
- ininis sa hukay ng dusa't pighati.
- 15 Ang magandang asal ay ipinupukol
- sa laot ng dagat kutya't linggatong;
- balang magagaling ay ibinabaon
- at inililibing na walang kabaong.
- 16 Nguni, at ang lilo't masasamang loob
- sa trono ng puri ay iniluluklok,
- at sa balang sukab na may asal-hayop,
- mabangong insenso ang isinusuob.
- 17 Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
- at ang kabaita'y kimi at nakayuko;
- santong katuwira'y lugami at hapo,
- ang luha na lamang ang pinatutulo.
- 18 At ang balang bibig na binubukalan
- ng sabing magaling at katotohanan,
- agad binibiyak at sinisikangan
- ng kalis ng lalong dustang kamatayan.
- 19 O, taksil na pita sa yama't mataas!
- O, hangad sa puring hanging lumilipas!
- ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
- at niring nasapit na kahabag-habag!
- 20 Sa korona dahil ng Haring Linceo,
- at sa kayamanan ng dukeng ama ko,
- ang ipinangahas ng Konde Adolfo
- sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.
- 21 Ang lahat ng ito, maawaing Langit,
- iyong tinutungha'y ano't natitiis?
- mula ka ng buong katuwira't bait,
- pinayagang mong ilubog ng lupit.
- 22 Makapangyarihang kamay mo'y ikilos,
- papamilantikin ang kalis ng poot;
- sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
- ang Iyong higanti sa masamang-loob.
- 23 Bakit kalangita'y bingi ka sa akin?
- ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?
- 'di yata't sa isang alipusta't iring
- sampung tainga mo'y ipinangunguling?
- 24 Datapuwa't sino ang tatarok kaya
- sa mahal mong lihim, Diyos na dakila?
- walang mangyayari sa balat ng lupa,
- 'di may kagaligang iyong ninanasa.
- Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili.
- Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde Adolfo sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo, sinabugan niya ng kasamaan ang kaharian.
- Kabanata 3: Alaala ni Laura
- 25 "Ay, 'di saan ngayon ako mangangapit!
- saan ipupukol ang tinangis-tangis,
- kung ayaw na ngayong dinigin ng Langit,
- ang sigaw ng aking malumbay na boses!"
- 26 "Kung siya mong ibig na ako'y magdusa,
- Langit na mataas, aking mababata;
- isagi mo lamang sa puso ni Laura
- ako'y minsan-minsang mapag-alaala."
- 27 "At dito sa laot ng dusa't hinagpis,
- malawak na lubhang aking tinatawid;
- gunita ni Laura sa naabang ibig,
- siya ko na lamang ligaya sa dibdib."
- 28 "Munting gunam-gunam ng sinta ko't mutya
- nang dahil sa aki'y dakila kong tuwa;
- higit sa malaking hirap at dalita,
- parusa ng taong lilo't walang awa."
- 29 "Sa pagkagapos ko'y guni-gunihin,
- malamig nang bangkay akong nahihimbing;
- at tinatangisan ng sula ko't giliw,
- ang pagkabuhay ko'y walang hangga mandin."
- 30 "Kung apuhapin ko sa sariling isip,
- ang suyuan naman ng pili kong ibig;
- ang pagluha niya kung ako'y may hapis,
- nagiging ligaya yaring madlang sakit."
- 31 "Nguni, sa aba ko! sawing kapalaran!
- ano pang halaga ng gayong suyuan
- kung ang sing-ibig ko'y sa katahimikan
- ay humihilig na sa ibang kandungan?"
- 32 "Sa sinapupunan ng Konde Adolfo,
- aking natatanaw si Laurang sinta ko;
- kamataya'y nahan ang dating bangis mo,
- nang 'di ko damdamin ang hirap na ito?"
- Sinabi ni Florante sa kanyang sarili na kaya niyang tiisin ang pagdurusa, kung ito ang gustong mangyari ng Maykapal. Iisa lamang ang tangi niyang hiling, ang maalala siya ng kanyang minamahal sa si Laura. Di niya maiwasang maalala ang kanilang suyuan, at iniisip niya na baka agawin si Laura ng kanyang karibal na si Adolfo.
- Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa
- 33 Dito hinimatay sa paghihinagpis,
- sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
- ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
- kinagagapusang kahoy ay nadilig.
- 34 Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
- nalimbag ang bangis ng kapighatian;
- at ang panibugho'y gumamit ng asal
- ng lalong marahas, lilong kamatayan.
- 35 Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
- kung ito'y makita'y magmamahabagin
- matipid na luha ay paaagusin,
- ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.
- 36 Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo
- nitong sa dalita'y hindi makakibo,
- aakaying biglang umiyak ang puso,
- kung wala nang luhang sa mata'y itulo.
- 37 Gaano ang awang bubugso sa dibdib
- na may karamdamang maanyong tumitig,
- kung ang panambita't daing ay marinig
- nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?
- 38 Halos buong gubat ay nasasabugan
- ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
- na inuulit pa at isinisigaw
- sagot sa malayo niyong alingawngaw.
- 39 Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
- sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
- at pinagliluhan ang tapat na puso
- pinaggugulan mo ng luhang tumulo?
- 40 'di sinumpaan mo sa harap ng Langit
- na 'di maglililo sa aking pag-ibig?
- Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
- wala sa gunita itong masasapit!
- 41 Katiwala ako't ang iyong kariktan,
- kapilas ng langit anaki'y matibay;
- tapat ang puso mo't 'di nagunam-gunam
- na ang paglililo'y nasa kagandahan.
- 42 Hindi ko akalaing iyong sasayangin
- maraming luha mong ginugol sa akin;
- taguring madalas na ako ang giliw,
- mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.
- 43 'Di kung ako poo'y utusang manggubat
- ng hari mong ama sa alinmang s'yudad,
- kung ginagawa mo ang aking sagisag,
- dalawa mong mata'y nanalong perlas?
- 44 Ang aking plumahe kung itinatahi
- ng parang korales na iyong daliri,
- buntung-hininga mo'y nakikiugali
- sa kilos ng gintong ipinananahi.
- 45 Makailan, Laurang sa aki'y iabot,
- basa pa ng luha bandang isusuot;
- ibinibigay mo ay naghihimutok,
- takot masugatan sa pakikihamok!
- 46 Baluti't koleto'y 'di mo papayagan
- madampi't malapat sa aking katawan,
- kundi tingnan muna't baka may kalawang
- ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.
- 47 Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
- na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
- at kung malayo mang iyong minamalas,
- sa gitna ng hukbo'y makilala agad.
- 48 Pinahihiyasan mo ang aking turbante
- ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
- bukod ang magalaw na batong d'yamante,
- puno ng ngalan mong isang letrang L.
- 49 Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
- nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
- manalo man ako'y kung bagong nanasok,
- nakikita mo na'y may dala pang takot.
- 50 Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
- 'di maniniwala kung 'di masiyasat;
- at kung magkagurlis ng munti sa balat,
- hinuhugasan mo ng luhang nanatak.
- 51 Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
- tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
- hanggang 'di malinang ay idinarampi
- sa mga mukha ko ang rubi mong labi.
- 52 Hindi ka tutugot kung 'di matalastas,
- kakapitan mo nang mabigla ang lunas;
- dadalhin sa hardi't doon ihahanap
- ng ikaaliw sa mga bulaklak.
- 53 Iyong pipitasin ang lalong marikit,
- dini sa liig ko'y kusang isasabit;
- tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
- pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.
- 54 At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
- sa pilik-mata mo'y dadaloy ang luha,
- napasaan ngayon ang gayong aruga,
- sa dala kong sakit ay 'di iapula?
- Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin ang kanyang paghihimutok.
- Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang bandang may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may munting galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung nasaan na ang lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya.
- Kabanata 5: Halina, Laura
- 55 Halina, Laura aking kailangan
- ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
- ngayon hinihingi ang iyong pagdamay —
- ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.
- 56 At ngayong malaki ang aking dalita
- ay 'di humahanap ng maraming luha;
- sukat ang kapatak na makaapula,
- kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.
- 57 Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
- tingni ang sugat kong 'di gawa ng kalis;
- hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
- ng kamay ko, paa't natataling liig.
- 58 Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
- ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang;
- kalagin ang lubid at iyong bihisan,
- matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.
- 59 Ang mga mata mo ay iyong ititig
- dini sa anyo kong sakdalan ng sakit,
- upang di mapigil ang takbong mabilis
- niring abang buhay sa ikapapatid.
- 60 Wala na Laura't ikaw na nga lamang
- ang makalulunas niring kahirapan;
- damhin ng kamay mo ang aking katawan
- at bangkay man ako'y muling mabubuhay!
- 61 Ngunit, sa aba ko! ay, sa laking hirap!
- wala na si Laura'y aking tinatawag!
- napalayu-layo't 'di na lumiliyag
- ipinagkanulo ang sinta kong tapat.
- 62 Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
- ang pusong akin na at ako'y dinaya;
- buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya,
- nilimot ang sinta't sinayang ang luha.
- 63 Alin pa ang hirap na 'di na sa akin?
- may kamatayan pang 'di ko daramdamin?
- ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
- walang kaibiga't nilimot ng giliw.
- 64 Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
- palasong may lasong natirik sa puso;
- habag sa ama ko'y tunod na tumino,
- ako'y sinusunog niring panibugho.
- 65 Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
- pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
- dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
- sa libingang laan ng masamang palad.
- 66 O, Konde Adolfo, inilapat mo man
- sa akin ang hirap ng sansinukuban,
- ang kabangisan mo'y pinapasalamatan,
- ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw.
- 67 Dito naghimutok nang kasindak-sindak
- na umaalingawngaw sa loob ng gubat;
- tinangay ang diwa't karamdamang hawak
- ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.
- 68 Sa puno ng kahoy ay napayukayok,
- ang liig ay supil ng lubid na gapos;
- bangkay na mistula't ang kulay na burok
- ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.
- Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga sakit tulad ng nakaraan. Halos sumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante ay matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay.
- Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni Laura ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng Langit. Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso at hindi kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin na ipagkaloob sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si Laura na kanyang irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng malay, siya ay napayukayok sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang bangkay.
- Kabanata 6: Ang Gererong Taga-Persia
- 69 Nagkataong siyang pagdating sa gubat
- ng isang gererong bayani ang tikas;
- putong na turbante ay kalingas-lingas,
- pananamit-Moro sa Persiyang S'yudad.
- 70 Pinigil ang lakad at nagtanaw-tanaw,
- anaki'y ninita ng pagpapahingahan;
- 'di kaginsa-ginsa'y ipinagtapunan
- ang pika't adarga't nagdaop ng kamay.
- 71 Saka tumingala't mata'y itinirik
- sa bubong na kahoy na takip sa langit;
- estatuwa manding nakatayo't umid,
- ang buntung-hininga niya'y walang patid.
- 72 Nang magdamdam-ngawit sa pagayong anyo,
- sa puno ng isang kahoy ay umupo;
- nagwikang, O palad!, sabay ang pagtulo
- sa mata ng luhang anaki'y palaso.
- 73 Ulo'y ipinatong sa kaliwang kamay
- at saka tinutop ang noo sa kanan;
- anaki'y mayroong gunamgunam —
- isang mahalagang nalimutang bagay.
- 74 Malao'y humilig, nagwalang-bahala,
- 'di rin kumakati ang bati ng luha;
- sa madlang himutok ay kasalamuha
- ang wikang: Flerida'y tapos na ang tuwa!
- 75 Sa balang sandali ay sinasabugan
- yaong buong gubat ng maraming Ay! Ay!
- nakikitono sa huning mapanglaw
- ng panggabing ibong doo'y nagtatahan.
- 76 Mapamaya-maya'y nagbangong nagulat,
- tinangnan ang pika't sampu ng kalasag;
- nalimbag sa mukha ang bangis ng Furias —
- 'di ko itutulot! ang ipinahayag.
- 77 At kung kay Flerida'y iba ang umagaw
- at 'di ang ama kong dapat na igalang,
- hindi ko masasabi kung ang pikang tangan
- bubuga ng libo't laksang kamatayan.
- 78 Bababa si Marte mula sa itaas,
- at sa kailalima'y aahon ang Parkas;
- buong galit nila ay ibubulalas,
- yayakagin niring kamay kong marahas.
- 79 Sa kuko ng lilo'y aking aagawin
- ang kabiyak niyaring kaluluwang angkin;
- liban na kay ama, ang sino ma't alin
- ay 'di igagalang ng tangang patalim.
- 80 O pagsintang labis ng kapangyarihan,
- sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;
- 'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman,
- hahamaki'ng lahat masunod ka lamang!
- 81 At yuyurakan na ang lalong dakila
- bait, katuwira'y ipanganganyaya;
- buong katungkula'y wawaling-bahala,
- sampu ng hininga'y ipauubaya.
- 82 Itong kinaratnan ng palad kong linsil,
- salaming malinaw na sukat mahalin
- ng makatatatap, nang hindi sapitin
- ang kahirapan kong 'di makayang bathin.
- Nagkataon namang sa gubat ding iyon ay napadako ang isang Morong taga-Persya na umalis sa sariling bayan dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang ama sa pagkakaagaw sa kanyang kasintahan. Sa lilim ng punong kahoy siya'y umupo at lumuluha habang binabanggit ang pangalan ng kanyang mahal na si Flerida.
- Sinambit ni Aladin laman ng kanyang puso at diwa: O pagsintang labis ng kapangyarihan,sampung mag-aama'y iyong nasasaklaw;'pag ikaw ang nasok sa puso ninuman, hahamakin lahat masunod ka lamang!
- Kabanata 7: Pag-aalaala sa Ama
- 83 Sa nawikang ito luha'y pinaagos,
- pika'y isinaksak saka naghimutok;
- nagkataon namang parang isinagot
- ang buntung-hininga niyong nagagapos.
- 84 Gerero'y namangha nang ito'y marinig
- pinagbaling-baling sa gubat ang titig;
- nang walang makita’y hinintay umulit,
- 'di naman nalao't nagbagong humibik.
- 85 Ang bayaning Moro'y lalo nang namaang,
- Sinong nananaghoy sa ganitong ilang?
- lumapit sa dakong pinanggagalingan
- ng buntung-hininga't pinakimatyagan.
- 86 Inabutan niya'y ang ganitong hibik:
- Ay, mapagkandiling amang iniibig!
- Bakit ang buhay mo'y naunang napatid,
- ako'y inulila sa gitna ng sakit?
- 87 Kung sa gunita ko'y pagkuru-kuruin
- ang pagkahulog mo sa kamay ng taksil,
- parang nakikita ang iyong narating,
- parusang marahas na kalagim-lagim.
- 88 At alin ang hirap na 'di ikakapit
- sa iyo ng Konde Adolfong malupit?
- ikaw ang salamin sa Reyno ng bait,
- pagbubutunan ka ng malaking galit.
- 89 Katawan mo ama'y parang namamalas
- ngayon ng bunso mong lugami sa hirap;
- pinipisang-pisang at iniwawalat
- ng pawa ring lilo't berdugo ng sukab.
- 90 Ang nagkahiwalay na laman mo't buto,
- kamay at katawang nalayo sa ulo,
- ipinaghagisan niyong mga lilo
- at walang maawang maglibing ng tao.
- 91 Sampu ng lingkod mo't mga kaibigan,
- kung kampi sa lilo'y iyo nang kaaway;
- ang 'di nagsiayo'y natatakot namang
- bangkay mo't ibao't mapaparusahan.
- 92 Hanggang dito ama'y aking naririnig,
- nang ang iyong ulo'y itapat sa kalis;
- ang panambitan mo't dalangin sa langit,
- na ako'y maligtas sa kukong malupit.
- 93 Ninanasa mo pang ako'y matabunan,
- ng bangkay sa gitna ng pagpapatayan,
- nang huwag mahulog sa panirang kamay
- ng Konde Adolfong higit sa halimaw.
- 94 Panalangin mo'y 'di pa nagaganap,
- sa liig mo'y biglang nahulog ang tabak;
- nasnaw sa bibig mong huling pangungusap
- ang Adiyos, bunso't buhay mo'y lumipas!
- 95 Ay, amang ama ko! Kung magunam-gunam —
- madla mong pag-irog at pagpapalayaw,
- ipinapalaso ng kapighatian —
- luha niring pusong sa mata'y nunukal.
- 96 Walang ikalawang ama ka sa lupa
- sa anak ng kandong sa pag-aaruga;
- ang munting hapis kong sumungaw sa mukha,
- sa habag mo'y agad nanalong ang luha.
- 97 Ang lahat ng tuwa'y natapos sa akin,
- sampu niring buhay ay naging hilahil;
- ama ko'y hindi na malaong hihintin
- ako't sa payapang baya'y yayakapin.
- Ang mga panaghoy ng nakagapos na tungkol sa mga kasamaang nangyari sa kanyang bayan: ang pagkawala ng kanilang mga karapatan, ang pangingibabaw ng katiwalian laban sa kabutihan; ang akala niyang pagtataksil ni Laura; ang pagpatay sa hari at mga kabig nito kasama na ang kanyang ama; ay nadinig lahat ng gererong Moro kaya tinunton niya ang boses na pinanggagalingan ng panaghoy.
- Kabanata 8: Paghahambing sa Dalawang Ama
- 98 Sandaling tumigil itong nananangis
- binigyang panahong luha'y tumagistis
- niyong naaawang Morong nakikinig
- sa habag ay halos magputok ang dibdib.
- 99 Tinutop ang puso at saka nagsaysay,
- Kailan, aniya, luha ko'y bubukal
- ng habag kay ama at panghihinayang
- para ng panaghoy ng nananambitan?
- 100 Sa sintang inagaw ang itinatangis,
- dahilan ng aking luhang nagbabatis;
- yao'y nananaghoy dahil sa pag-ibig
- sa amang namatay na mapagtangkilik.
- 101 Kung ang walang patid na ibinabaha
- ng mga mata ko'y sa hinayang mula
- sa mga palayaw ni ama't aruga
- malaking palad ko't matamis na luha.
- 102 Ngunit ang nananahang maralitang tubig
- sa mukha't dibdib ko'y laging dumidilig,
- kay ama nga galing dapuwa't sa bangis,
- hindi sa andukha at pagtatangkilik.
- 103 Ang matatawag kong palayaw sa akin
- ng ama ko'y itong ako'y paliluhin,
- agawan ng sinta't panasa-nasaing
- lumubog sa dusa't buhay ko'y makitil.
- 104 May para kong anak na napanganyaya,
- ang layaw sa ama'y dusa't pawang luha,
- hindi nakalasap kahit munting tuwa
- sa masintang inang pagdaka'y nawala!
- 105 Napahinto rito't narinig na muli
- ang panambitan niyong natatali,
- na ang wika'y Laurang aliw niring budhi,
- paalam ang abang kandong ng pighati.
- 106 Lumagi ka nawa sa kaligayahan,
- sa harap ng 'di mo esposong katipan;
- at huwag mong datnin yaring kinaratnan,
- ng kasing nilimot at pinagliluhan.
- 107 Kung nagbangis ka ma't nagsukab sa akin,
- mahal ka ring lubha dini sa panimdim;
- at kung mangyayari, hanggang sa malibing,
- ang mga buto ko, kita'y sisintahin.
- Sandaling tumigil sa pag-iyak si Florante dahilan sa isang Morong na nakikinig sa kanya. Nabatid niyang napaiyak ang Moro dahil sa ang kanyang sinisinta ay inagaw ng sariling ama. Samantalang si Florante naman ay namaalam na kay Laura at pinagdasal na sana ay maging masaya ito sa piling ng iba.
- Kabanata 9: Sa Harap ng Dalawang Leon
- 108 Di pa natatapos itong pangungusap,
- may dalawang leong hangos ng paglakad;
- siya'y tinutungo't pagsil-in ang hangad,
- ngunit nangatigil pagdating sa harap.
- 109 Nangaawa mandi't nawalan ng bangis
- sa abang sisil-ing larawan ng sakit;
- nangakatingala't parang nakikinig
- sa 'di lumilikat na tinangis-tangis.
- 110 Anong loob kaya nitong nagagapos,
- ngayong nasa harap ng dalawang hayop,
- na ang balang ngipi't kuko'y naghahandog?
- Isang kamatayang kakila-kilabot!
- 111 Di ko na masabi't luha ko'y nanatak,
- nauumid yaring dilang nangungusap;
- puso ko'y nanlalambot sa malaking habag,
- sa kaawa-awang kinubkob ng hirap.
- 112 Sinong 'di mahapis na may karamdaman
- sa lagay ng gapos na kalumbay-lumbay;
- lipos ng pighati saka tinutunghan,
- sa laman at buto niya ang hihimay!
- 113 Katiwala na nga itong tigib sakit
- na ang buhay niya'y tuntong na sa guhit;
- nilagnat ang puso't nasira ang boses,
- 'di na mawatasan halos itong hibik.
- 114 Paalam, Albanyang pinamamayanan
- ng kasam-a't lupit, bangis, kaliluhan,
- akong tanggulan mo'y kusa mang pinatay,
- sa iyo'y malaki ang panghihinayang.
- 115 Sa loob mo nawa'y huwag mamilantik
- ang panirang talim ng katalong kalis,
- magka-espada kang para nang binitbit
- niring kinuta mong kanang matangkilik.
- 116 Kinasuklaman mo ang ipinangako
- sa iyo'y gugulin niniyak kong dugo;
- at inibig mo pang hayop ang magbubo
- sa kung itanggol ka'y maubos tumulo.
- 117 Pagkabata ko na'y walang inadhika
- kundi paglilingkod sa iyo't kalinga;
- 'di makailan kang babal-ing masira,
- ang mga kamay ko'y siyang tumimawa.
- 118 Dustang kamatayan ang bihis mong bayad;
- datapuwa't sa iyo'y magpapasalamat,
- kung pakamahali't huwag ipahamak
- ang tinatangisang giliw na nagsukab.
- 119 Yaong aking Laurang hindi mapapaknit
- ng kamatayan man sa tapat kong dibdib
- paalam, bayan ko, paalam na ibig,
- magdarayang sintang 'di manaw sa isip!
- 120 Bayang walang loob, sintang alibugha,
- Adolfong malupit, Laurang magdaraya,
- magdiwang na ngayo't manulos sa tuwa
- at masusunod na sa akin ang nasa.
- 121 Nasa harap ko na ang lalong marawal,
- mabangis na lubhang lahing kamatayan;
- malulubos na nga ang iyong kasam-an,
- gayundin ang aking kaalipustaan.
- 122 Sa abang-aba ko! diyata, O Laura ...
- mamamatay ako'y hindi mo na sinta!
- ito ang mapait sa lahat ng dusa;
- sa'kin ay sino ang mag-aalaala!
- 123 Diyata't ang aking pagkapanganyaya,
- 'di mo tatapunan ng kamunting luha!
- kung yaring buhay ko'y mahimbing sa wala,
- 'di babahaginan ng munting gunita!
- 124 Guniguning ito'y lubhang makamandag,
- agos na, luha ko't puso'y maaagnas;
- tulo, kaluluwa't sa mata'y pumulas,
- kayo, aking dugo'y mag-unahang matak.
- 125 Nang matumbasan ko ng luha, ang sakit
- nitong pagkalimot ng tunay kong ibig,
- huwag yaring buhay ang siyang itangis
- kundi ang pagsintang lubos na naamis.
- Samantala, mayroong palapit na dalawang leon, na sa pagkakita pa lamang ay parang nais nang kainin si Florante. Tila napatigil ang mga leon at nakalimutan ng mga ito ang kanilang tangkang pagkain sa kanya.
- Sa pagkakataong iyon, nagpaalam na si Florante sa Albanya, na puno na ngayon ng kasamaan at kanyang minamahal na si Laura. Wala siyang naisip kundi ipagtanggol ang kanyang bayan subalit di niya inaasahang ganoon na lamang ang kahihinatnan ng kanyang pagsasakripisyo sa bansa dahil ipapakain lang pala siya sa dalawang leon.
- Kabanata 10: Ang Pagsaklolo
- 126 Sa tinaghuy-taghoy na kasindak-sindak,
- gerero'y hindi na napigil ang habag;
- tinunton ang boses at siyang hinanap,
- patalim ang siyang nagbukas ng landas.
- 127 Dawag na masinsi'y naglagi-lagitik,
- sa dagok ng lubhang matalas sa kalis;
- Moro'y 'di tumugo't hanggang 'di nasapit
- ang binubukalan ng maraming tangis.
- 128 Anyong pantay-mata ang lagay ng araw
- niyong pagkatungo sa kalulunuran;
- siyang pagkatalos sa kinalalagyan
- nitong nagagapos na kahambal-hambal.
- 129 Nang malapit siya't abutin ng sulyap
- ang sa pagkatali'y linigid ng hirap,
- nawalan ng diwa't luha'y lumagaslas,
- katawan at puso'y nagapos ng habag.
- 130 Malaong natigil na 'di nakakibo
- hininga'y hinabol at biglang lumayo;
- matutulog disin sa habag ang dugo,
- kundangang nagbangis leong nangagtayo.
- 131 Naakay ng gutom at gawing manila,
- nag-uli sa ganid at nawalang-awa;
- handa na ang ngipi't kukong bagong-hasa
- at pagsasabayan ang gapos ng iwa.
- 132 Tanang balahibo'y pinapangalisag,
- nanindig ang buntot na nakagugulat;
- sa bangis ng anyo at nginasab-ngasab,
- Puryang nagngangalit ang siyang katulad.
- 133 Nagtaas ng kamay at nangakaakma
- sa katawang gapos ng kukong pansira;
- nang darakmain na'y siyang pagsagasa
- niyong bagong Marteng lumitaw sa lupa.
- 134 Inusig ng taga ang dalawang leon,
- si Apolo mandin na sa Serp'yente Piton;
- walang bigong kilos na 'di nababaon
- ang lubhang bayaning tabak na pamutol.
- 135 Kung ipamilantik ang kanang pamatay
- at saka isalag ang pang-adyang kamay,
- maliliksing leon ay nangalilinlang,
- kaya 'di nalao'y nangagumong bangkay.
- Hindi nagdalawang-isip si Aladin na sagipin si Florante, na nakatali sa puno at nawalan ng malay. Bagama't magkaaway ang kanilang bayan at hindi sila magkarelihiyon, agad niyang pinatay ang dalawang leon na nakaabang lapain si Florante.
- Kabanata 11: Mabuting Kaibigan
- 136 Nang magtagumpay na ang gererong bantog
- sa nangakalabang mabangis na hayop,
- luha'y tumutulong kinalag ang gapos
- ng kaawa-awang iniwan ang loob.
- 137 Halos nabibihay sa habag ang dibdib,
- dugo'y nang matingnang nunukal sa gitgit;
- sa pagkalag niyang maliksi'y nainip
- sa siga-sigalot na madlang bilibid.
- 138 Kaya ang ginawa'y inagapayanan,
- katawang malatang parang bagong bangkay,
- at minsang pinatid ng espadang tangan,
- walang awang lubid na lubhang matibay.
- 139 Umupo't kinalong na naghihimutok,
- katawang sa dusa hininga'y natulog;
- hinaplos ang mukha't dibdib ay tinutop,
- nasa ng gerero'y pagsaulang-loob.
- 140 Doon sa pagtitig sa pagkalungayngay,
- ng kaniyang kalong na kalumbay-lumbay,
- ninilay niya at pinagtatakhan
- ang dikit ng kiyas at kinasapitan.
- 141 Namamangha naman ang magandang kiyas,
- kasing-isa't ayon sa bayaning tikas;
- mawiwili disin ang iminamalas
- na mata, kundangan sa malaking habag.
- 142 Gulung-gulong lubha ang kanyang loob,
- ngunit napayapa nang anyong kumilos
- itong abang kandong na kalunos-lunos,
- nagising ang buhay na nakakatulog.
- 143 Sa pagkalungayngay mata'y idinilat,
- himutok ang unang bati sa liwanag;
- sinundan ng taghoy na kahabag-habag;
- Nasaan ka, Laura, sa ganitong hirap?
- 144 Halina, giliw ko't gapos ko'y kalagin,
- kung mamatay ako'y gunitain mo rin;
- pumikit na muli't napatid ang daing,
- sa may kandong naman takot na sagutin.
- 145 Ipinanganganib ay baka mabigla,
- magtuloy mapatid hiningang mahina;
- hinintay na lubos niyang mapayapa
- ang loob ng kandong na lipos-dalita.
- Pagkatapos patayin ang mga leon, agad kinalagan ni Aladin si Florante na sa sandaling iyon ay wala pang ulirat. Nang magkamalay, ang naging bukambibig ay ang kanyang sinisintang si Laura.
- Kabanata 12: Batas ng Lahat ng Relihiyon
- 146 Nang muling mamulat ay nagitlahanan,
- Sino? Sa aba ko't nasa Morong kamay!
- ibig na iigtad ang lunong katawan,
- nang hindi mangyari'y nagngalit na lamang.
- 147 Sagot ng gerero'y Huwag kang manganib,
- sumapayapa ka't mag-aliw ng dibdib;
- ngayo'y ligtas ka na sa lahat ng sakit,
- may kalong sa iyo ang nagtatangkilik.
- 148 Kung nasusuklam ka sa aking kandungan
- lason sa puso mo ang hindi binyagan;
- nakukutya akong 'di ka saklolohan
- sa iyong nasapit na napakarawal.
- 149 Ipinahayag ng pananamit mo,
- taga-Albanya ka at ako'y Persiyano;
- ikaw ay kaaway ng baya't sekta ko,
- sa lagay mo ngayo'y magkatoto tayo.
- 150 Moro ako'y lubos na taong may dibdib
- at nasasaklaw rin ng utos ng Langit;
- dini sa puso ko'y kusang natititik
- natural na ley-ing sa aba'y mahapis.
- 151 Anong gagawin ko'y aking napakinggan
- ang iyong pagtaghoy na kalumbay-lumbay,
- gapos na nakita't pamumutiwanan
- ng dalawang ganid, ng bangis na tangan.
- 152 Nagbuntung-hininga itong abang kalong
- at sa umaaliw na Moro'y tumugon,
- Kundi mo kinalag sa puno ng kahoy,
- nalibing na ako sa tiyan ng leon.
- 153 Payapa na naman disin yaring dibdib,
- napagkikilalang kaaway kang labis;
- at 'di binayaang nagkapatid-patid
- ang aking hiningang kamataya't sakit.
- 154 Itong iyong awa'y 'di ko hinahangad,
- patayin mo ako'y siyang pitang habag;
- 'di mo tanto yaring binabatang hirap,
- na ang kamatayan ang buhay kong hanap.
- 155 Dito napahiyaw sa malaking hapis
- ang Morong may awa't luha'y tumagistis;
- siyang itinugon sa wikang narinig,
- at sa panlulumo'y kusang napahilig.
- Nang matauhan si Florante, sinabi ni Aladin na huwag siyang mag-alala dahil ligtas na siya. Sa di inaasahan, sinabi niya sa gererong Moro na sana ay hinayaan na lamang siyang mamatay. Hindi akalain ni Aladin na ganito ang sasabihin ng binata sa kanya.
- Kabanata 13: Ang Magkaibigan
- 156 Anupa't kapuwa hindi makakibo
- 'di nangakalaban sa damdam ng puso;
- parang walang malay hanggang sa magtago't
- humilig si Pebo sa hihigang ginto.
- 157 May awang gerero ay sa maramdaman;
- malamlam na sinag sa gubat ay nanaw,
- tinunton ang landas na pinagdaanan,
- dinala ang kalong sa pinanggalingan.
- 158 Doon sa naunang hinintuang dako
- nang masok sa gubat ang bayaning Moro,
- sa isang malapad, malinis na bato,
- kusang pinagyaman ang lugaming pangko.
- 159 Kumuha ng munting baong makakain,
- ang nagdaralita'y inamong tumikim,
- kahit umaayaw ay nahikayat din
- nang sabing malambot na pawang pang-aliw.
- 160 Naluwag-luwagan ang panghihingpis,
- sapagkat naawas sa pagkadayukdok,
- hindi kinukusa'y tantong nakatulog,
- sa sinapupunan ng gererong bantog.
- 161 Ito'y 'di umidlip sa buong magdamag,
- sa pag-aalaga'y nagbata ng puyat;
- ipinanganganib ay baka makagat
- ng ganid na madlang naggala sa gubat.
- 162 Tuwing magigising sa magaang tulog,
- itong lipos-hirap ay naghihimutok,
- pawang tumitirik na anaki'y tunod
- sa dibdib ng Morong may habag at lunos.
- 163 Nang magmamadaling-araw ay nahimbing,
- munting napayapa sa dalang hilahil;
- hanggang sa Aurorang itaboy ang dilim,
- walang binitiwang himutok at daing.
- 164 Ito ang dahilang ipinagkasundo,
- limang karamdamang parang hinahalo;
- ikinatiwasay ng may dusang puso,
- lumakas na muli ang katawang hapo.
- 165 Kaya't nang isabog sa sansinukuban
- ang doradong buhok ng masayang araw,
- nagbangong hinaho't pinasalamatan
- sa Langit ang bagong lakas ng katawan.
- 166 Sabihin ang tuwa ng gererong hayag,
- ang abang kinalong ay biglang niyakap;
- kung nang una'y nukal ang luha sa habag,
- ngayo'y sa galak na ang inilagaslas.
- 167 Kapos ang dila kong magsaysay ng laki
- ng pasasalamat nitong kinandili;
- kundangan ang dusa'y sa nawalang kasi
- ay napawi disin sa tuwang umali.
- 168 Sapagka't ang dusang mula sa pag-ibig
- kung kahit mangyaring lumayo sa dibdib,
- kisap-mata lamang ay agad babalik
- at magdaragdag pa sa una ng bangis.
- 169 Kaya hindi pa man halos dumarapo
- ang tuwa sa lamad ng may dusang puso
- ay itinakwil na ng dalitang lalo
- at ang tunod niya'y siyang itinimo.
- 170 Niyapos na muli ang dibdib ng dusa,
- hirap yatang bathin ang sakit sa sinta!
- dangan inaaliw ng Moro sa Persya,
- natuluyang nanaw ang tangang hininga.
- 171 Iyong natatanto ang aking paglingap,
- anitong Persyano sa nababagabag;
- mula ng hirap mo'y ibig kong matatap
- at nang kung may daa'y malagyan ng lunas.
- 172 Tugon ng may dusa'y 'di lamang ang mula
- niring dalita ko ang isasalita,
- kundi sampung buhay sapul pagkabata,
- nang maganapan ko ang hingi mo't nasa.
- Inalagaan ni Aladin si Florante ng magdamag. Pinakain ng kanyang baon ang dalawang araw na nakagapos sa gubat, bago dinatnan ng saklolo o tulong. Ito'y binantayan ng Moro habang natutulog dahil sa laki ng panghihina ng katawan. Sa pagkagising ni Florante ay pinagsaulian ng kaunting lakas. Lubos na nagpasalamat sa Maykapal at sa kanyang tagapagligtas na butihing kalaban. Tinanong ng Morong si Aladin kung ano ang suliranin o problema sa buhay ni Florante. Hangad daw ng Moro na makatulong siya.
Advertisement
Add Comment
Please, Sign In to add comment
Advertisement